Magpapatupad ang Department of Social Welfare and Development ng 30-araw na pilot testing ng mga bagong recipe para sa Supplementary Feeding Program o Batang Nutri-Care.
Isasama sa menu ang mga recipe ng Project Lusog ng Monde Nissin Corporation, sa ilalim ng pakikipagtulungan ng DSWD, Monde Nissin at Philippine Business for Social Progress.
Isasagawa ang pilot testing mula September 28 hanggang October 28 sa mga piling Child Development Centers sa Calauan at San Pablo City, Laguna.
Ayon kay DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, sinimulan na ng ahensya noong September 1 ang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para iangkop ang mga recipe sa national nutrition standards at guidelines ng feeding program.
Sa pilot testing, susuriin ang actual food consumption, pagtanggap ng mga bata sa pagkain, food waste, at kabuuang karanasan ng mga naghahanda at benepisyaryo.
Ang resulta ng pilot testing ang pagbabatayan ng pagpaplano para sa posibleng nationwide implementation ng bagong menu sa 2027. | ulat ni Rey Ferrer