Pinakikilos ni Manila Representative Rolando Valeriano ang pamahalaan na maghanda ng dagdag na ayuda sakaling magpatuloy ang paghina ng piso kontra dolyar.
Ito’y matapos magsara ang piso sa ₱62 kada dolyar sa nakalipas na mga araw.
Ayon kay Valeriano, maaaring magdulot ito ng pagtaas sa presyo ng imported fuel at iba pang energy inputs, na posibleng umakyat hanggang sa pamasahe, singil sa kuryente, pagkain, at logistics.
Hirit ni Valeriano na palawigin ang UPLIFT program at palakasin ang tulong sa mga pamilyang mababa ang kita, kabilang ang pag-aaral sa mas pinalawak na lifeline subsidy para sa kwalipikadong konsyumer na gumagamit hanggang 200 kilowatt-hours kada buwan.
Iminungkahi rin niyang itaas hanggang ₱20 kada litro ang fuel subsidy para sa mga kwalipikadong PUV at TNVS drivers at operators, depende sa pondo ng gobyerno.
Kabilang pa sa kanyang mungkahi ang pagpapatuloy ng 50% rail fare discount, dagdag na subsidized EDSA Carousel buses, at pansamantalang toll discounts para sa public transport at kwalipikadong cargo vehicles.
Aniya, hindi kontrolado ng pamahalaan ang galaw ng dolyar at presyo ng langis sa world market, pero kontrolado nito kung gaano kabilis at kaepektibo ang pagtugon upang maprotektahan ang mga manggagawa, commuter at maliliit na negosyo.