Arestado ng mga tauhan ng Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) ang 20-anyos na online seller dahil sa pagbebenta ng pinagbabawal na mga paputok sa Malanday, Valenzuela City.
Pinangunahan ng Cyber Financial Crime Unit ng PNP-ACG ang operasyon matapos ang isinagawang cyberpatrolling dahil naka-post sa social media ang ibinebentang paputok.
Nakumpiska ng pulisya ang nasa 200 piraso ng mga iligal na paputok na ibinebenta ng ₱50 kada piraso at nagkakahalaga ng ₱10,000 sa kabuuan.
Nakasilid ang mga ito sa dalawang kahon na agad dinala sa kustodiya ng pulisya para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa naaresto.
Dahil dito, nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 7183 o An Act Regulating the Sale, Manufacture, Distribution, and Use of Firecrackers and Other Pyrotechnic Devices na may kaugnayan sa Section 6 ng Cybercrime Prevention Act of 2012.