Umabot sa mahigit ₱15.2 milyon ang halaga ng tulong pang-agrikultura na ipinamahagi sa mga magsasaka at mangingisda sa Eastern Samar sa ilalim ng Handog ng Pangulo 2026.
Isinagawa ang turnover ng mga intervention sa Capitol Gym sa Borongan City, bilang bahagi ng programa ng pamahalaan para palakasin ang produksyon sa agrikultura, suportahan ang kabuhayan at makatulong sa food security.
Kinatawan ni Assistant Secretary Rosalinda Bautista ang mensahe ng Pangulo, habang pinangunahan naman ng Department of Agriculture Regional Field Office 8, kasama si OIC-Regional Technical Director for Operations Francisco Rosaroso at Eastern Samar Governor Ralph Vincent Evardone, ang pamamahagi ng mga agricultural inputs at iba pang suporta.
Kabilang sa ipinamahaging tulong ang isang rain shelter sa ilalim ng High Value Crops Development Program, dalawang coconut nursery, 11 Livelihood Opportunities and Viable Enterprise o LOVE projects, at 23 set ng livestock veterinary drugs, dewormers at biologics.Ipinamahagi rin ang anim na set ng hybrid rice seeds at inorganic fertilizers para sa irrigated areas ngayong dry season, 500 pakete ng vegetable seeds, at mga suporta para sa apat na kabataang pinarangalan sa Youth Farmers Challenge.
Samantala, sampung lokal na grupo ng mga magsasaka ang lumahok sa Kadiwa ng Pangulo market upang direktang maibenta ang kanilang mga produkto sa mga mamimili.
Naglaan din ang Department of Agriculture ng 150 sako ng bigas mula sa National Food Authority para sa Benteng Bigas Meron Na program, na ibinenta sa halagang ₱20 kada kilo.
Ayon sa mga benepisyaryo, malaking tulong ang murang bigas sa kanilang pang-araw-araw na gastusin, lalo na sa mga pamilyang kinakailangang magtipid.
Samantala, sinabi naman ng mga lokal na magsasaka na nakatutulong ang programa upang mabawasan ang kanilang gastusin at mapalakas ang kanilang kabuhayan.
Sa pamamagitan ng mga programang ito, patuloy na inilalapit ng pamahalaan ang mga serbisyo, production inputs at suporta sa kabuhayan sa mga magsasaka at mangingisda sa Eastern Samar.
📷 DA-RFO8