Pansamantalang hindi muna magpiprisinta ng mga testigo ang House Prosecution panel ngayong araw upang bigyang-daan ang pagtalakay ng Senate Impeachment Court hinggil sa isyu ng voting threshold.
Sa halip, dadalo ang tatlong retiradong mahistrado ng Korte Suprema upang tumayo bilang mga amici curiae o “friends of the court” at magbigay ng kanilang mga legal na pananaw.
Sila ay sina:
- Retired Chief Justice Artemio Panganiban
- Retired Chief Justice Reynato Puno
- Retired Associate Justice Adolfo Azcuna
Samantala, magsisilbi rin bilang amicus curiae si retired Chief Justice Hilario Davide Jr., ngunit hindi siya personal na dadalo dahil kasalukuyan siyang nagpapagaling mula sa isang medical procedure.
Sa halip, magsusumite siya ng kanyang mga pananaw sa pamamagitan ng isang legal memorandum na pormal na ilalagay sa mga rekord ng korte.
Ayon kay Ridon, ang pagdinig na ito ay isang magandang pagkakataon upang mapakinggan ang opinyon ng mga batikang dating hukom ng Korte Suprema sa pagresolba ng kinakailangang dalawang-katlong (2/3) voting threshold para sa posibleng paghatol (conviction) o pagpapawalang-sala (acquittal) kay VP Sara.
Nilinaw naman na ang apat na dating mahistrado ay magsisilbi bilang mga independiyenteng tagapayo (independent advisers) ng impeachment court at hindi kumakatawan sa panig ng House prosecution o sa depensa.