Sinabi ng Malacañang na nasa Department of Finance (DOF) at Bureau of Internal Revenue (BIR) na ang bola para hanapan ng paraan kung saan huhugutin ang mawawalang ₱10 bilyong pisong kita na nakukuha ng gobyerno mula sa VAT para sa systems loss charges.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, maraming paraan ang dalawang ahensiya para mapunan ang mawawalang kita mula sa VAT sa systems loss charges.
Sinabi ni Castro, tamang tax administration lang ang kailangan at tamang paniningil ng buwis habang may mga reporma din namang ikinakasa sa VAT hinggil sa digital services at CREATE MORE na naglalayong palakasin ang pamumuhunan at industriya sa Pilipinas.
Binigyang-diin naman ni Castro na sa lahat ng ito ay kaginhawahan ng mga Pilipino ang iniisip ni Pangulong Ferdinad R. Marcos Jr. sa gitna ng hakbang na tanggalin ang VAT sa systems loss.