Tiwala ang grupo ng mga private employment at recruitment agencies sa bansa na mapapantayan o mahihigitan pa ng mga manggagawang Pilipino ang nagbabagong takbo ng teknolohiya.
Ito’y kasunod na rin ng pagkiling ng United Arab Emirates (UAE) sa paggamit ng Artificial Intelligence (AI) gayundin ng digital transformation nito sa kanilang labor force pagsapit ng taong 2030.
Kaya naman ang Philippine Association of Service Exporters, Inc. (PASEI), gumawa ng paraan para palakasin pa ang Pinoy deployment sa UAE sa pamamagitan ng ikinakasa nilang UAE-PH Business & Labor Conference.
Gagawin ito sa Nobyembre 17 hanggang 18 sa Crowne Plaza Manila Galleria na lalahukan ng nasa 400 mga business leader international recruitment groups.
Layon nito na palakasin ang ugnayan sa pagitan ng pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Migrant Workers (DMW) at ng pribadong sektor upang mapunan ang puwang sa deployment ng mga Pinoy sa UAE.
Ayon kay PASEI President, Rowena Paragas, mahalagang makasabay ang mga manggagawang Pilipino sa nagbabagong teknolohiya gaya ng paggamit ng AI.
Naniniwala si Paragas na malaki pa rin ang mai-aambag ng mga Pilipino sa pagpapalakas ng labor force ng UAE lalo’t marami pa rin sa kinakailangang trabaho roon ay kinakailangan ng manual expertise.