Pinalalawak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at World Food Programme (WFP) ang kanilang pagtutulungan para mapahusay ang mga aralin sa ilalim ng Walang Gutom Program.
Layunin ng partnership na palakasin ang Kalusugan, Kakayahan, at Kabuhayan o 3K Sessions para sa mga benepisyaryo ng programa.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, kabilang sa mga itinuturo rito ang meal planning, tamang pagbabadyet, food diversity, at paghahanda ng masustansya at abot-kayang pagkain.
Bukod sa ₱3,000 buwanang food credits, sumasailalim din ang mga benepisyaryo sa livelihood training sa tulong ng TESDA at iba pang partner agencies. Ayon sa DSWD, layunin ng mga hakbang na matulungan ang mga pamilya na mapabuti ang nutrisyon at magkaroon ng dagdag na kakayahan sa pangkabuhayan.