Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Alfredo Benjamin S. Caguioa, binaligtad ng Third Division ng SC ang hatol laban kay Mcgill Esquillo Omandam.
Inaresto si Omandam bisperas ng halalan matapos umanong makitang lasing ng mga pulis at makarekober ng dalawang bakanteng bote ng alak malapit sa lugar.
Pero sinabi ng SC na walang pulis na aktuwal na nakakita kay Omandam na umiinom habang umiiral ang liquor ban.
Wala ring isinagawang breath analyzer, sobriety o chemical test, habang hindi rin isinailalim sa forensic examination ang mga nakuhang bote.
Binigyang-diin ng SC na sa paggamit ng circumstantial evidence, kailangang mapatunayan pa rin ang pagkakasala nang walang makatwirang pagdududa bago mahatulan ang isang akusado.