Pitong tauhan ng Bureau of Corrections o BuCor ang nahaharap sa mga kasong administratibo, kriminal dahil sa umano’y iregularidad sa pamamahala ng pondo ng persons deprived of liberty o PDLs sa Correctional Institution for Women.
Iniutos ni BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr. ang pagsasampa ng kaso matapos ang imbestigasyon ng Directorate for Intelligence and Investigation.
Kabilang sa mga inireklamo ang dalawang dating superintendent ng CIW at dating Trust Fund Officer na si CO2 Bianca Flor Ramos.
Ayon sa imbestigasyon, hindi ma-account ni Ramos ang mahigit ₱5.1 milyon mula sa PDL Trust Fund.
Samantala, lumitaw sa hiwalay na audit na umaabot sa ₱6.4 milyon ang unaccounted amount, bagama’t kailangan pa itong i-reconcile dahil may mahigit ₱1.2 milyon na na-account na ngunit hindi pa nakokolekta o naitatala bilang receivables.
Kabilang din sa mga sinisiyasat ang umano’y paggamit ng trust fund para sa renovation ng ilang pasilidad at ang ₱300,000 advance para sa isang LBC remittance.
Iniutos ni Catapang ang ikalawang pagsusuri para matukoy ang eksaktong halaga ng kakulangan.
Nilinaw ng BuCor na ang mga natukoy ay bahagi pa lamang ng imbestigasyon at sasailalim ang mga sangkot sa kaukulang proseso. | ulat ni Aj Ignacio