P74.45 bilyong pondo ang panukala ng gobyerno para sa Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth sa 2027, para mapalawak ang mga benepisyo at mabawasan ang gastos ng mga Pilipino sa pagpapagamot.
Kabilang sa naturang halaga ang 19 na bilyong piso para sa pagpapahusay ng benefit packages at iba pang prayoridad sa kalusugan. Target ding mapagsilbihan ng premium subsidies ang tinatayang 11.09 milyong benepisyaryo sa susunod na taon, mula sa 10.65 milyon ngayong 2026.
Nauna nang inaprubahan ng Department of Budget and Management o DBM ang 10.377 bilyong piso para sa Zero Balance Billing Program, kabilang ang 9.377 bilyong piso para sa mga ospital ng Department of Health o DOH sa buong bansa at isang bilyong piso para sa anim na pilot LGU hospitals.
Ayon kay DBM Acting Secretary Kim Robert C. De Leon, layunin ng paggasta sa kalusugan na direktang maibsan ang gastusing medikal ng mga pasyente at kanilang pamilya. | ulat ni Lorenz Tanjoco