Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Ramon Paul L. Hernando, sinabi ng SC na grave abuse of discretion ang kabiguan ng Kongreso na maipasa ang naturang batas sa loob ng 39 na taon.
Hinimok ng Korte ang Kongreso na magpatupad ng anti-political dynasty law sa lalong madaling panahon at tukuyin ang depinisyon at saklaw ng pagbabawal.
Binigyang-diin ng SC na may kalayaan ang Kongreso na magtakda kung sinu-sino at anong mga posisyon ang saklaw ng political dynasty, pero wala itong diskresyon kung magpapasa o hindi ng batas.
Pinaboran din ng mayorya ng mga mahistrado ang mandamus laban sa Kongreso dahil sa patuloy nitong hindi pagtupad sa obligasyong nakasaad sa Konstitusyon.
Samantala, ibinasura ng SC ang petisyon laban sa Commission on Elections o COMELEC dahil wala pang umiiral na batas na maaaring gamiting batayan para awtomatikong madiskuwalipika ang mga kandidatong kabilang sa political dynasties.