Pormal nang tinanggap ng Philippine Air Force (PAF) ang dalawang bagong Bell 412EPX aircraft.
Ito ay sa isinagawang seremonya sa Colonel Jesus Villamor Air Base sa Pasay City na pinangunahan ni Lieutenant General Arthur Cordura, Commanding General ng PAF.
Sa kaniyang talumpati, binigyang-diin ni Cordura ang kahalagahan ng pag-aalaga at estratehikong paggamit sa mga helicopter.

Hinimok din niya ang lahat ng tauhang nakatalaga sa operasyon at maintenance nito na maging propesyonal, may kakayahan, at may pananagutan upang lubos na magamit ang mga asset alinsunod sa mandato ng PAF.
Sinabi ng PAF na ito na ang pangalawang batch ng mga eroplanong nakuha sa ilalim ng Additional Utility Helicopter Project ng PAF, na bahagi ng patuloy nitong modernisasyon.
Inaasahang mapapaigting ng mga bagong kagamitan ang kanilang kakayahan sa air mobility at sa mga operasyon sa panahon ng sakuna o Humanitarian Assistance and Disaster Relief.
📷 PAF