Giniit ni Retired Chief Justice Artemio Panganiban na dapat gabayan ng katotohanan at pagiging patas ang mga senator-judge sa paghatol sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa kanyang presentasyon bilang amicus curiae sa Senate Impeachment Court, sinabi ni Panganiban na hindi lang dapat umasa ang mga senator-judge sa simpleng mathematical computation sa pag-interpret ng probisyon ng Constitution tungkol sa kinakailangang boto para sa conviction.
Ayon kay Panganiban, bagama’t 24 ang miyembro ng Senado at 16 ang katumbas ng two-thirds, dapat ding isaalang-alang ang layunin at konteksto ng constitutional provision.
Iginiit din niya na mahalaga ang aktibong partisipasyon ng mga senador at independent evaluation ng ebidensiya, kabilang ang pagsusuri sa mga dokumento at pakikinig at pagmamasid sa mga testigo.
Sa usapin naman ng mga senador na absent sa impeachment proceedings, tinanong ni Panganiban kung makatarungang payagang bumoto ang mga hindi nakadalo sa mga paglilitis at hindi personal na nakasuri sa mga dokumento at testimonya.
Samantala, sinabi ni Panganiban na final at hindi appealable sa Supreme Court ang desisyon ng Senate Impeachment Court, maliban kung may magiging grave abuse of discretion sa paggamit ng kapangyarihan ng Senado.
Si panganiban ang 21st Chief Justice ng Korte Suprema na nagsilbi mula 2005 hanggang 2006. | ulat ni Nimfa Asuncion