Inatasan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) ang lahat ng kinauukulang yunit ng pulisya sa Metro Manila na repasuhin ang kanilang mga plano sa deployment at mga contingency measure para sa nalalapit na 49th ASEAN Summit and Related Summits.
Ito’y upang matiyak na agad na maisasagawa ang mga kinakailangang pagbabago batay sa mga sitwasyon at mapangalagaan ang kaligtasan ng mga dayuhang delegado at ng publiko.
Ayon kay NCRPO Officer-in-Charge PBGen Christopher N. Abrahano na kailangang tumutugon sa kasalukuyang sitwasyon ang mga paghahanda sa seguridad.
Kinakailangan aniyang regular na suriin ng mga hepe ng pulisya ang kani-kanilang nasasakupang lugar, tukuyin ang mga posibleng kahinaan sa seguridad, at tiyaking nasa estratehikong posisyon ang mga tauhan at kagamitan upang agarang makatugon sa anumang posibleng pangyayari.
Tinitiyak din ng NCRPO na nakahanda ang mga contingency measure upang matugunan ang anumang posibleng abala at hindi inaasahang insidente, habang pinananatili ang sapat na presensiya ng pulisya sa mahahalagang pasilidad, mga lugar na pagdarausan ng summit, mga tutuluyang gusali ng mga delegado, mga itinalagang ruta, at iba pang mahahalagang lugar sa buong Metro Manila.