Nanawagan si Senate Committee on Agriculture Chairman Senador Kiko Pangilinan sa mga otoridad na protektahan ang mga magsasaka sa Kasibu, Nueva Vizcaya sa halip na arestuhin o takutin.
Ayon kay Pangilinan, karapatan ng mga magsasaka na ipagtanggol ang kanilang mga tahanan, lupain, kabuhayan at pinagkukunan ng tubig laban sa mineral exploration na maaaring sumira sa kanilang mga taniman.
Halos anim na buwan nang nagbabarikada ang mga magsasaka na kumukwestiyon sa umano’y mga problema sa proseso ng konsultasyon at pagkilala sa kanilang mga karapatan sa lupa.
Kinuwestiyon din ng senador kung nakuha ba ang tunay na free, prior at informed consent ng mga apektadong komunidad.
Diin ni Pangilinan, tungkulin ng pulisya na protektahan ang mamamayan habang dapat tiyakin ng mga hukuman na maririnig ang hinaing ng mga magsasaka.
Hinikayat din ng mambabatas ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na pangalagaan ang likas na yaman at mga komunidad na umaasa dito.
Partikular ding nanawagan ang senador sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) na itigil ang paggamit ng dahas laban sa mga taga-Kasibu at tiyakin ang kaligtasan ng mga ito gayundin ng kanilang mga pananim at lupain. | ulat ni Nimfa Asuncion