Tiniyak ni Senate President Sherwin Gatchalian na aalisin ng Senado sa panukalang 2027 national budget ang 295 infrastructure projects na nagkakahalaga ng P8.836 billion dahil sa kakulangan ng mga kinakailangang dokumento mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay Gatchalian, hindi bibigyan ng pondo ang mga proyektong walang sapat na batayan at technical verification para matiyak na handa na ang mga ito na maipatupad.
Ito ay kasunod ng liham mula kay dating DPWH Secretary Vince Dizon na nagsasabing natukoy ng ahensya na non-compliant ang 295 proyekto matapos itong suriin batay sa walong uri ng red flags na inilatag ng senador sa budget hearing.
Matatandaang sa pagdinig noong September 25, siniwalat ni Gatchalian na 7,107 o mahigit 62 percent sa kabuuang 11,395 infrastructure projects na sinuri ng kanyang tanggapan ang may kahit isang seryosong red flag.
Kabilang sa mga iregularidad ang kawalan ng station numbers at geographical coordinates, lump-sum projects, magkakapatong o hinati-hating proyekto at mga proyektong may magkakasalungat na uri ng trabaho.
Binigyang diin ng Senate President na kailangang matiyak na napupunta sa mga lehitimo at handang ipatupad na proyekto ang bawat pisong mula sa kaban ng bayan.