Mararamdaman ang tunay na kaunlaran sa paghahatid ng mga pangunahing serbisyo at oportunidad sa bawat Pilipino, saanman sila nakatira.
Ito ang dahilan kung bakit patuloy na inilalapit ng pamahalaan sa mga barangay ang edukasyon, imprastraktura, malinis na tubig, kuryente, at kabuhayan bilang pundasyon ng pangmatagalang kapayapaan.
Sa ika-10 Executive Committee Meeting ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), tinalakay ang mga nagawa at patuloy na ginagawa ng Task Force.
Kabilang ang sitwasyon ng CPP-NPA-NDF, at pagpapatupad ng National Action Plan for Unity, Peace, and Development 2025–2028.
Sa ilalim ng Barangay Development Program (BDP), umabot sa P44.9 bilyon ang halaga ng mga proyektong naipatupad sa higit 5,000 malalayong komunidad.
Umakyat na rin sa higit 978 silid-aralan ang naipatayo. Higit 1,600 kilometrong farm-to-market roads ang nakumpleto.
Bukod pa dito ang higit 1,100 sistema ng tubig at sanitasyon na nabuksan, at 556 health stations, na nakatulong sa mahigit 16 milyong Pilipino.
Kaugnay nito, pinalalakas din ng gobyerno ang reintegrasyon ng mga dating rebelde upang mabigyan sila at ang kanilang mga pamilya ng panibagong simula.
Base sa datos ng PCO, simula Hulyo, 2022 hanggang Oktubre, 2026, nasa higit 27, 800 ang nagbalik-loob sa pamahalaan at nakatanggap ng nasa isang bilyong pisong halaga ng tulong.
Kasabay nito, pinagtitibay ang pagtutulungan ng pamahalaan, mga paaralan, pamilya at pribadong sektor upang maprotektahan ang kabataan laban sa online radicalization at recruitment.