Iginiit ni retired Chief Justice Hilario Davide Jr. na hindi dapat awtomatikong ituring na lahat ng 24 senador ang batayan sa pagkukuwenta ng two-thirds vote na kailangan para mahatulan sa impeachment si Vice President Sara Duterte.
Ito ang nilalaman ng legal memorandum na isinumite ni Davide sa Impeachment Court bilang amicus curiae.
Hindi nakaharap si Davide sa Impeachment Court ngayong araw para personal na ipahayag ang kanyang posisyon dahil sa operasyon na pinagdaanan nito, kaya binasa na lamang ni Clerk of Court Atty. Renato Bantug Jr. ang kanyang pananaw.
Sa kanyang memorandum, sinabi ni Davide na dapat pagbatayan ang bilang ng mga senador na buhay, legal na kwalipikado, at pisikal at mental na may kakayahang gampanan ang kanilang tungkulin at bumoto.
Kabilang aniya sa hindi dapat isama ang mga senador na nagbitiw o natanggal sa puwesto, may pisikal o mental na kondisyon na humahadlang sa kanilang pagganap sa tungkulin, nasa labas ng bansa o hindi matukoy ang kinaroroonan, nakakulong o may legal na hadlang sa pagganap bilang senador, at suspendido dahil sa mga kasong kriminal.
Dahil dito, sinabi ni Davide na ang denominator sa two-thirds vote ay dapat nakabatay sa bilang ng mga senador na kwalipikadong bumoto at hindi kailangang laging 24.
Nilinaw din ni Davide na ang nauna niyang pahayag noong 2018 na 16 votes ang kailangan para sa conviction ay ginawa noong buo at walang legal o pisikal na hadlang ang 24-member Senate.
Samantala, hindi aniya direktang applicable sa impeachment proceedings ang Avelino v. Cuenco, dahil tumutukoy ito sa quorum ng Senado bilang legislative body.
Binanggit din niya ang mga desisyon ng Supreme Court sa People v. Jalosjos at Trillanes v. Pimentel kaugnay ng mga legal na restraint sa pagganap ng isang halal na opisyal.
Kaugnay naman ng tanong kung maaaring bumoto ang senator-judge na hindi nakadalo o hindi malaki ang naging partisipasyon sa trial, sinabi ni Davide na hindi ito madaling sagutin.
Ayon sa retiradong punong mahistrado, dapat gampanan ng mga senador bilang impeachment judges ang kanilang tungkulin bilang tunay na mga hukom, alinsunod sa mga pamantayan ng competence, integrity, probity, at independence.
Sa bahaging ito ng kanyang memorandum, hindi pa naglalatag si Davide ng pangwakas na konklusyon kung maaaring bumoto sa final judgment ang isang senator-judge na hindi nakadalo o hindi substantially nakilahok sa mga proceedings.
Si Davide ay isa sa mga drafter ng 1987 Constitution. Nagsilbi siyang 20th Chief Justice ng Supreme Court mula 1998 hanggang 2005.