Libo-libong Pilipino na ang nakinabang sa “Handog ng Pangulo Serbisyo Caravan” na naibaba na sa 90 lugar sa buong Pilipinas.
Ayon kay Communications Undersecretary Claire Castro, pumalo na sa PhP2.88 billion ang halaga ng mga serbisyong naihatid ng gobyerno sa iba’t ibang local government units (LGUs).
Tampok dito ang libreng serbisyong medikal, kabilang ang outpatient, emergency room, at inpatient services sa mga ospital ng Department of Health (DOH), government-owned and controlled corporations (GOCCs), at mahigit 44 na ospital ng LGU.
Kasama rin ang libreng maternal care at Zero Balance Billing para sa mga pasyenteng nasa basic accommodation.
Batay sa datos ng Department of Education (DepEd), mahigit 47,600 guro, non-teaching personnel, learners, at guardians ang nakinabang sa libreng serbisyong pangkalusugan.
Naghatid din ng serbisyo ang Land Transportation Office, Philippine National Police, Department of Justice, Public Attorney’s Office, TESDA, at Department of Trade and Industry habang 91 pampublikong paaralan ang pinagdausan ng caravan.
Kabilang din sa mga serbisyo ang P20 kada kilo na bigas mula sa Department of Agriculture at ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development.
“Kaarawan man ng Pangulo o hindi, patuloy ang pamahalaan sa paghahatid ng mga serbisyong nararamdaman ng mamamayan.” -Castro