Mananatili ang mga nakatalagang security detail kay Vice President Sara Duterte sa ilalim naman ng Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG).
Ito ang muling iginiit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay kasunod na rin ng mga naging pahayag ng Pangalawang Pangulo kamakailan hinggil sa umano’y kawalan niya ng tiwala sa kaniyang security detail.
Ayon kay AFP Spokesperson, Col. Francel Margareth Padilla, hanggang sa ngayon ay wala pa silang natatanggap na anumang request mula sa Office of the Vice President (OVP) para i-withdraw ang security detail para sa bise.
Una rito, sinabi ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na malaya si Duterte na hilingin sa AFP na bawiin nito ang security detail na ibinibigay sa kaniya kung pakiramdam niya’y hindi siya ligtas dito.
Gayunman, sinabi ni Padilla na bahagi ng kanilang mandato na tiyakin ang seguridad ang mga opisyal na inihalal ng taumbayan partikular na ang Pangulo at Pangalawang Pangulo maging ang kanilang pamilya.