Mariing iginiit ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na walang karapatan ang China na utusan ang Pilipinas na alisin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Sa media briefing matapos ang dalawang araw na ASEAN Ministerial Conference on Disaster Resilience o AMCDR sa Maynila, sinabi ni Teodoro na walang batayan ang pahayag ng Chinese Embassy na dapat alisin ang barko ng Pilipinas sa nasabing lugar.
Ito’y matapos akusahan ng China ang Pilipinas ng pagkukumpuni sa BRP Sierra Madre para sa permanenteng pananatili nito sa Ayungin Shoal.
Nauna nang mariing itinanggi ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang alegasyon. Ayon sa DFA, walang kasunduang nag-oobliga sa Pilipinas na alisin ang barko.
Muli rin nitong iginiit na bahagi ang Ayungin Shoal ng exclusive economic zone at continental shelf ng Pilipinas, alinsunod sa UNCLOS at sa 2016 Arbitral Award.
“They have no right to say that. So it is beyond their jurisdiction and beyond any form of intervention under international law.”— DND Sec. Gilberto Teodoro Jr.