Ipinadefer ni PhilRECA Party-list Representative Presley De Jesus ang plenary deliberations sa 2027 budget ng Department of Information and Communications Technology o DICT dahil nais muna niyang malaman ang konkretong hakbang ng ahensya laban sa paglaganap ng online scams, partikular sa Facebook at iba pang Meta platforms.
Sa interpellation, tinanong ni De Jesus si Appropriations Committee Vice Chairperson Brian Poe tungkol sa follow-through ng ahensya sa kasunduan nito sa Meta laban sa online scams, phishing, digital fraud, at deepfakes.
Ayon kay Poe, nagsimula na ang technical working group ng DICT, CICC, at Meta, at kabilang sa pinag-uusapan ang pagkakaroon ng aktuwal na corporate office ng Meta sa Pilipinas at pag-require ng national ID sa paggawa o pagpapanatili ng account.
Pero kinuwestyon ni De Jesus kung bakit walang aktuwal na country manager at corporate office ang Meta sa Pilipinas, gayung lumalabas na ang bansa ang pang-lima sa pinakamalaking bilang ng users nito.
Sinabi ni Poe na naghanda na ang DICT at mga attached agency nito ng mga dokumento at ebidensya para sa posibleng kaso laban sa Meta dahil sa mga pang-aabuso at panlolokong nagaganap sa kanilang platform na kanilang binabalewala.
Sa kabila nito, iginiit ni De Jesus na kailangan muna ng malinaw at nasusukat na resulta ng mga hakbang ng DICT bago muling talakayin ang budget nito.
Dahil dito, ipinadefer niya ang konsiderasyon sa budget ng DICT.
