Mahalagang kasangkapan ang artificial intelligence, o AI, upang mapabilis ang pagdedesisyon at pagpapalaganap ng tamang impormasyon sa panahon ng sakuna.
Ito ang binigyang-diin ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa media briefing matapos ang 2026 ASEAN Ministerial Conference on Disaster Resilience (AMCDR) sa Maynila.
Ayon kay Teodoro, maaaring gamitin ang AI sa pagtaya sa mga panganib at paggabay sa mga awtoridad sa pagbuo ng mas maagap na pagtugon. Ngunit nilinaw niyang nananatiling tao pa rin ang gagawa ng mga pinal na desisyon.
Binigyang-halaga rin niya ang pagkakaroon ng mapagkakatiwalaang impormasyon at mga partner sa paggamit ng AI. Aniya, maaari kasing magdulot ng kalituhan sa halip na makapagsalba ng buhay ang sistemang may manipulado o hindi mapagkakatiwalaang datos.
Kaugnay nito, sinabi niyang layon ng Pax Silica na makatulong sa pagkakaroon ng maaasahang supply chain para sa hardware na kailangan naman sa mga AI system.
“So it is a guide, and it is a tool for us to make better decisions quicker and disseminate the information faster.” -Sec. Gilberto Teodoro Jr.