Photo courtesy of Piroschka VAN DE WOUW / POOL / AFP
Humarap na si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ikatlong status conference ng kaniyang kasong crimes against humanity sa International Criminal Court o ICC sa The Hague, Netherlands nitong Miyerkules.
Ito ang unang public appearance ng dating Presidente ng Pilipinas matapos ang higit isang taon mula nang huli siyang makita sa pamamagitan ng video link noong Marso 2025 kasunod ng kaniyang pagkakaaresto.
Humarap ang dating pangulo sa court room matapos linawin ni Presiding Judge Joanna Korner ng ICC Trial Chamber III na inaasahan ng korte ang kaniyang personal na presensya matapos isumite ng mga medikal na eksperto ang kaniyang mga evaluation report.
Nakatutok ang ginanap na pagdinig sa pagpapatibay ng mga timetable para sa paghaharap ng mga testigo, palitan ng ebidensya ng magkabilang panig, at mga huling paghahanda bago ang pormal na pagsisimula ng paglilitis na nakatakda sa Nobyembre 30, 2026.
Kasalukuyang kinakaharap ni Duterte ang mga sakdal na may kaugnayan sa di umano’y malawakang pagpatay sa ilalim ng kaniyang kampanya laban sa ilegal na droga noong siya ay alkalde pa ng Davao City hanggang sa kaniyang pagiging pangulo ng bansa.