Kumpiyansa ang House prosecution na sapat at matibay ang kanilang mga ebidensya upang mahatulan si Vice President Sara Duterte, anuman ang maging desisyon ng Senado sa voting threshold.
Ayon kay House prosecution adviser at spokesperson at dating Surigao del Norte Rep. Ace Barbers, nakatutok sila sa paglalahad ng matibay na kaso sa apat na Articles of Impeachment, partikular sa paghaharap ng mga saksi at ebidensya para sa Articles IV at I.
Batay sa mga opinyon nina retired Chief Justices Reynato Puno, Artemio Panganiban, Hilario Davide Jr., at Associate Justice Adolfo Azcuna, nilinaw ni Barbers na ang Senado ang may tanging kapangyarihan na lumitis at magpasya sa mga kaso ng impeachment.
Bagama’t ipinapaubaya muna nila sa diskresyon ng Senate Impeachment Court ang isyu sa voting threshold, bukas pa rin ang posibilidad na maglabas sila ng opisyal na posisyon ukol dito sa pagsisimula ng mga oral argument sa susunod na linggo.