Parehong inisyuhan ng show cause order ng Land Transportation Office (LTO) ang mga driver ng utility van at motorsiklo, matapos ang insidenteng ikinasawi ng backrider sa Antipolo City.
Nangyari ang aksidente bandang alas-2:30 ng hapon noong September 15 sa Marcos Highway sa Barangay San Luis.
Batay sa police report, nakagigitan ng utility van ang motorsiklo, at nahulog sa kalsada ang drayber at backrider nito gayudin ang angkas na dalawang taong gulang na anak-anakan ng mag-asawa.
Nagulungan ng likurang gulong ng van ang backrider na asawa ng driver ng motorsiklo at idineklarang dead on arrival sa ospital.
Inatasan ang dalawang driver na humarap sa Intelligence and Investigation Division ng LTO sa September 22.
Isasailalim din sa 90-araw na preventive suspension ang lisensya ng dalawa, habang inalarma naman ang parehong sasakyan.
Paalala ni LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao sa mga motorista na magmaneho nang dahan-dahan at maging alerto sa kalsada dahil ilang saglit lang ay maaaring mauwi sa aksidente at pagkawala ng buhay. | ulat ni Diane Lear