Photo courtesy of Philippine Coast Guard (PCG)
Napatunayan ng Philipppine Coast Guard (PCG) na apat na pasaherong nakalista sa ticket manifest ng MV June Aster ang hindi nakasakay sa barko bago ito umalis sa Baseco Port noong September 8.
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, tatlo sa mga pasahero ang nagkamaling makapag-book ng biyaheng Manila papuntang Coron sa halip na Coron papuntang Manila.
Ang ikaapat naman ay nakabiyahe na patungong Coron sakay ng ibang barko noong September 5.
Dahil dito, ibinaba ng PCG sa 128 mula 132 ang kumpirmadong bilang ng mga sakay ng MV June Aster.
Sa pinakahuling tala, 77 ang nasawi, 43 ang nakaligtas, habang walo pa ang nawawala.
Patuloy ang PCG sa pagberipika at pagtutugma ng mga impormasyon sa ticket manifest ng barko.