Photo courtesy of DOST-PTRI
Magbubukas ngayong Biyernes, Setyembre 18, 2026, ang 2026 Philippine Handloom Weaving Festival (PHWF) na layong ipagmalaki ang yaman ng sining ng paghahabi sa bansa.
Ang tatlong-araw na aktibidad, na tatakbo hanggang Setyembre 20, ay inorganisa ng Department of Science and Technology–Philippine Textile Research Institute (DOST-PTRI) kasabay ng pagdiriwang ng Philippine Creative Industries Month.


Layunin ng festival na palakasin ang ugnayan ng tradisyon at makabagong teknolohiya upang mas mapalago ang lokal na industriya ng tela.
Kabuuang 29 na weaving communities mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao ang magsasama-sama upang magpakita ng kanilang mga produkto at kultura. Kabilang sa mga lalahok ang mga artisan mula sa Abra, Camarines Sur, Oriental Mindoro, at ang tribong T’boli.
Inaasahang dadagsain ng publiko ang mga sumusunod na bahagi ng programa:
- Hinabi Textile Bazaar: Isang pamilihan ng mga authentic clothes, tela, at accessories na gawa sa mga natural na hibla ng bansa.
- Technology Demonstrations: Aktwal na pagpapakita ng mga makabagong kagamitan at pamamaraan sa paghahabi mula sa DOST-PTRI.
- Textile Exchange Fora: Talakayan sa pagitan ng mga katutubong manghahabi, fashion designers, at mga eksperto sa pagpapanatili ng sining sa modernong merkado.




Libreng makakalahok ang publiko sa 2026 Philippine Handloom Weaving Festival mula 10:00 AM hanggang 10:00 PM sa Quantum Skyview, Gateway Mall 2, Araneta City.