RTVM Screengrab
Iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kahalagahan ng pag-uugnay ng mga food technology na binuo ng pamahalaan sa lokal na produksiyong pang-agrikultura upang mapatatag ang food supply, mapabuti ang nutrisyon, at masiguro ang maaasahang merkado para sa mga magsasaka.
Ayon sa pangulo, maraming mahuhusay na siyentipiko at researcher ang Pilipinas, ngunit nananatiling hamon ang pagdadala ng mga innovation mula sa laboratoryo tungo sa mas malawak na commercial production.
“Marami tayong mga magagaling na scientist, marami tayong mga researchers, pero mula sa laboratoryo hanggang sa manufacturing, iyong pag-scale up ng production, iyon ang kailangan talagang pag-aralan,” —Pangulong Marcos.
Nakatutulong aniya ang pakikipagtulungan ng gobyerno sa mga kumpanyang, tulad ng Nutridense, upang maiugnay ang pananaliksik at teknolohiya ng pamahalaan sa kapasidad ng pribadong sektor na gumawa ng mas maraming produkto.
Kung matatandaan, una nang nagbigay ang DOST sa naturang kumpanya ng food technologies, technical assistance, at suporta para sa mga makinaryang nakatulong sa pagpapalawak ng produksiyon ng fortified at nutrient-rich food products.
Binigyang-diin din ni Pangulong Marcos na hindi lamang dapat mapataas ng mga naturang partnership ang produksiyon ng pagkain, kundi dapat ding makatulong ang mga ito sa pagbibigay sa mga bata ng mas masustansiyang pagkain sa pamamagitan ng mga feeding at nutrition program.
“So, this is the kind of operation that we need, so that not only are we able to supply, not only are we able to secure our food supply, but also we are providing our children especially with proper nutrition,” —Pangulong Marcos.
Habang mahalaga rin, ayon sa Pangulo na makinabang ang mga magsasakang nagsu-suplay ng mga hilaw na materyales na ginagamit ng mga food processor.