Patuloy na iniimbestigahan ng Quezon City Police District (QCPD) ang naiulat na security threat sa Quezon City Hall kagabi.
Kasunod ito ng impormasyong ipinadala ng isang indibidwal sa official Facebook page ng Quezon City government.
Agad itong ipinagbigay-alam sa QCPD at sa Safety and Security Cluster ng lungsod, kaya agad nagsagawa kagabi ng sweeping, paneling at inspection sa Quezon City Hall compound at mga gusali rito.
Wala namang nakitang kahina-hinalang bagay o sitwasyon sa isinagawang pagsusuri.
Katuwang naman ng QCPD ang PNP Anti-Cyber Crime Group sa pagtukoy sa pinagmulan ng banta at mga nasa likod nito.
Tiniyak ng LGU na hindi hahayaan ang paghahasik ng pananakot sa lungsod at pananagutin sa batas ang mga nasa likod nito.
Pinaalalahanan din ng Quezon City government ang publiko na huwag gawing biro o gamitin sa pananakot ang ganitong uri ng banta.
Hinikayat din ang publiko kung may nalalaman o mahalagang impormasyong may kaugnayan sa insidente, ay agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad o tumawag sa QC Helpline 122.