Nakatakdang maghain ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs (DFA) laban sa China, kaugnay ng insidenteng kinasangkutan ng mga pwersa nito sa Subi o Zamora Reef at Mischief o Panganiban Reef sa West Philippine Sea.
Ito ang inihayag ni House Committee on Appropriations Vice Chairperson Representative Ando Oaminal Jr. sa plenary deliberations sa budget ng DFA.
Sa interpellation ni PhilRECA Party-list Representative Presley De Jesus, tinukoy nito ang naging pahayag ng DFA kaugnay ng September 11 flare incident na kinasangkutan ng mga pwersa ng China laban sa isang Philippine Coast Guard aircraft na nagsasagawa ng operasyon malapit sa mga nabanggit na reef.
Tinukoy ni De Jesus ang pahayag ng DFA na nagbibigay diin sa China na dapat nang itigil ang mga iligal na aktibidad nito, at muling iginiit ang posisyon ng Pilipinas batay sa UNCLOS at sa 2016 Arbitral Ruling.
Giit pa ni De Jesus, dapat maging standard operating procedure na ang agarang paghahain ng diplomatic protest sa tuwing may ganitong insidente, kung maaari ay sa mismong araw o kinabukasan.
Ipinaliwanag ni Oaminal na hindi agad naihahain ang diplomatic protest dahil kailangan munang makuha ng DFA ang detalyadong incident report bago pormal na gumawa ng hakbang.