Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na limitado lamang sa mga kwalipikadong pamilyang nasa Level 1 o Survival at Level 2 o Subsistence ang extension sa dating pitong taong limitasyon ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Elaine Fallarcuna ng Conditional Cash Transfer Group, hindi awtomatiko ang extension at kailangan pa ring may eligible monitored children at makasunod sa mga kondisyon ng programa sa health, education at pagdalo sa Family Development Sessions (FDS).
Paliwanag pa nito, taon-taon ang gagawing reassessment sa mga benepisyaryo at sa oras umabot na sa Level 3 o Self-Sufficient ang isang pamilya, hindi na ito kabilang sa extension at maaari nang mag-exit sa programa.
Batay sa pinakahuling Social Welfare and Development Indicator (SWDI) results, nasa higit 1.3 milyong pamilya ang kwalipikado para sa extension. Kabilang dito ang 1,744 Level 1 at 1,379,881 Level 2 families.
“Wala pong mababago sa system. The beneficiaries should still comply with the conditionalities under the law, on health, education, and attendance to the Family Development Sessions (FDS). Same pa rin po yung conditionalities na kailangan nilang i-comply, and even the eligibility requirements,” paliwanag ni ASec. Fallarcuna.
Inaasahang magiging epektibo ang term extension sa 4Ps pagsapit ng Disyembre ng 2026.
