Mas pinalalakas ng mga bansang kasapi ng ASEAN ang kooperasyon sa digital economy sa pamamagitan ng ASEAN Digital Economy Framework Agreement o DEFA, na inaasahang lalagdaan sa ASEAN Summit sa Nobyembre.
Sa Business Dialogue on ASEAN’s Digital Economy 2026 na inorganisa ng World Economic Forum (WEF) sa Maynila, sinabi ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Cristina Roque na layunin ng DEFA na magkaroon ng iisang hanay ng panuntunan sa e-commerce, cross-border digital payments, data flows, at intellectual property protection sa buong rehiyon.
Ayon kay Roque, makatutulong ang kasunduan upang mapalago ang digital economy ng ASEAN mula isang trilyong dolyar tungo sa dalawang trilyong dolyar pagsapit ng 2030.
Aniya, malaking bentahe ito para sa Pilipinas, lalo na sa mga MSME at online entrepreneurs, dahil mas mapapalawak ang kanilang access sa digital market.
Dagdag pa ng kalihim, mahalaga rin ang pagtutulungan ng mga bansa sa pagbabahagi ng best practices at pagpapaunlad ng digital skills ng mga manggagawa upang mapanatiling competitive ang rehiyon.