Nanawagan ang mga lider ng ekonomiya at negosyo sa ASEAN na gawing mas madali, mas kapaki-pakinabang, at mas inklusibo ang mga umiiral na kasunduan upang higit na makinabang ang mga negosyo, lalo na ang mahigit 70 milyong micro, small, and medium enterprises o MSMEs sa rehiyon.
Sa pagbubukas ng ika-24 na ASEAN Economic Ministers’ Meeting at ASEAN Business Advisory Council Consultation, sinabi ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary at AEM Chair Cristina Roque na mahalagang marinig ng mga pamahalaan ang aktuwal na karanasan ng sektor ng negosyo upang matukoy ang mga hadlang sa implementasyon ng mga kasunduan at makabuo ng konkretong solusyon.
Samantala, iginiit ni ASEAN-BAC Chair Joey Concepcion na dapat gawing mas madaling ma-access at magamit ng mga negosyo ang mga mekanismo ng ASEAN, habang pinalalawak ang oportunidad para sa MSMEs, kababaihan, at kabataan.
Inilahad din niya ang mga panukalang palakasin ang mentorship, access sa pondo at merkado, gayundin ang mga programa para sa food security at regional economic resilience. Inaasahang magsisilbing gabay ang mga rekomendasyon ng ASEAN-BAC upang higit pang mapabilis ang pagpapatupad ng mga polisiya at mapalawak ang benepisyo ng integrasyong pang-ekonomiya sa mga negosyo at mamamayan sa buong ASEAN.