Pormal nang ipinasa ng Pilipinas sa Singapore ang chairship ng ASEAN Economic Ministers’ Meeting matapos ang matagumpay na pagtatapos ng ika-58 ASEAN Economic Ministers’ Meeting, kung saan pinagtibay ang mga susunod na hakbang para sa mas matatag na kooperasyong pang-ekonomiya sa rehiyon.
Sa kanyang closing remarks, sinabi ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Cristina Roque na naging produktibo ang mga talakayan ng mga economic ministers, kabilang ang pag-review sa mga prayoridad ng ASEAN Economic Community at paghahanda para sa mga susunod na konsultasyon sa mga economic partner ng rehiyon. Binigyang-diin din niya ang layunin ng Pilipinas na gawing konkretong aksyon ang mga napagkasunduan upang mapalawak ang kalakalan, pamumuhunan, at pakikipagtulungan sa ASEAN.
Samantala, tinanggap ni Singapore Deputy Prime Minister at Minister for Trade and Industry Gan Kim Yong ang chairship at nangakong ipagpapatuloy ang mga inisyatibang sinimulan ng Pilipinas.
Aniya, palalakasin pa ng Singapore ang integrasyon ng ASEAN at ang ugnayan nito sa mga pangunahing partner upang mapanatili ang isang maunlad at nagkakaisang rehiyon. Ang mga napagkasunduan sa pulong ay ihaharap sa ASEAN Economic Community Council at sa 49th ASEAN Summit sa Nobyembre bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng mas matatag na ekonomiya ng ASEAN.