Isinagawa ngayong araw sa Maynila ang ika-23 ASEAN Economic Ministers-Republic of Korea o AEM-ROK Consultation, kung saan tinalakay ang pagpapalakas ng ugnayang pangkalakalan at ang pag-upgrade sa ASEAN-Korea Free Trade Area o AKFTA.
Batay sa preliminary statistics ng ASEAN, umabot sa $226.1 bilyon ang two-way merchandise trade ng ASEAN at South Korea noong 2025, habang nasa $8.9 bilyon naman ang foreign direct investment o FDI ng South Korea sa ASEAN.
Sa naturang pulong, sinalubong ng mga economic ministers ang pagsisimula ngayong 2026 ng AKFTA Upgrade negotiations, na layong gawing mas moderno, makabuluhan, at mas responsive ang kasunduan sa mga pangangailangan ng negosyo at pagbabago sa regional at global economy.
Kabilang sa mga bagong larangang tinatalakay ang supply chain connectivity, energy cooperation, raw at intermediate materials, sustainable development, green economy, at digital economy.
Hinimok din ang mga opisyal na magsikap para sa substantial conclusion ng negosasyon pagsapit ng 2027.
Samantala, tinalakay rin ang panukalang ASEAN-ROK Partnership for Resilient Industrial Supply Chains and Materials o PRISM, na nakatuon sa pagpapalakas ng industrial supply chains, kabilang ang minerals, advanced materials, manufacturing, at circularity.
Inaasahan naman ang paglulunsad sa December 2026 ng Trade Academy for ASEAN Officials, na magsisilbing platform para sa capacity-building at pagpapalakas ng ugnayan ng mga trade officials ng ASEAN at South Korea.
Sa pulong, malugod ding tinanggap ang Timor-Leste bilang ika-11 miyembrong bansa ng ASEAN, at inaasahang mas magiging aktibo ang bansa sa ASEAN-ROK meetings at mga mekanismo ng economic cooperation.