Isinusulong ni Bukidnon Representative Audrey Zubiri ang mahigpit na pananagutan sa mga nagmamay-ari ng baril at pagsusuri sa mga patakaran sa pagtatago nito.
Ito ay kasunod ng madugong pamamaril sa isang paaralan sa South Cotabato.
Ayon kay Zubiri, ang insidente sa Banga National High School ay patunay na kulang ang mga kasalukuyang hakbang upang matiyak na hindi maabot ng mga bata ang mga armas.
Batay sa ulat ng mga awtoridad, ang baril na ginamit ng estudyante ay pagmamay-ari ng sarili nitong ama na empleyado ng Department of Education, na nakatago umano sa isang vault na pinilit buksan ng suspek.
Giit ni Zubiri, responsibilidad ng bawat may-ari ng baril na tiyaking ligtas ito laban sa mga menor de edad dahil ang simpleng kapabayaan ay maaaring magdulot ng trahedya.
Nilinaw naman ng mambabatas na hindi nito pinupuntirya ang mga responsableng gun owner, kundi nais lamang siguraduhing may kaukulang pananagutan.
Nagpaabot na ng pakikiramay si Zubiri sa mga naulila at muling pinagdiinang dapat manatiling ligtas na lugar para sa mga kabataan ang mga paaralan.