Sinabi ni House prosecution legal spokesperson at counsel Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. na makatutulong sa depensa laban sa alegasyon ng grave abuse of discretion ang pagkonsulta ng Senate Impeachment Court sa apat na retiradong mahistrado ng Supreme Court.
Ayon kay Tolosa, ipinapakita nito na masusing pinag-aaralan ng mga senator-judge ang isyu bago magpasya kung mananatili ang 16-vote threshold sa paghatol sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.
Kabilang sa mga inimbitahang amici curiae sina dating Chief Justices Artemio Panganiban, Reynato Puno at Hilario Davide Jr., at dating Associate Justice Adolfo Azcuna.
Para kay Tolosa, ang paghingi ng opinyon sa mga dating mahistrado ay nagpapakitang hindi minamadali o basta-basta ginagawa ng impeachment court ang pagdedesisyon sa kontrobersyal na constitutional issue.
“But ang paliwanag ni former Chief Justice [Artemio] Panganiban, considering itong exercise na ginagawa natin, nagtawag pa kayo ng mga amici curiae, former members of the High Court, eh sa kanyang opinion, mahirap sabihin na nagkaroon ng grave abuse of discretion dahil kung ano man desisyong gagawin nila, not haphazardly done at pinag-aaralan nang mabuti,” saad ni Tolosa.
Nakatakdang iharap ng prosecution at defense panels ang kanilang legal arguments sa Setyembre 23 bago magpasya ang mga senator-judge sa voting threshold.