Tiniyak ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang zero tolerance nito sa korapsyon, kabilang na ang non-performing contracts at misrepresented deliverables sa ilalim ng Free Wi-Fi for All Program.
Ayon sa DICT, mahigpit ang monitoring at accountability mechanisms ng programa para maprotektahan ang pondo ng gobyerno at matiyak na may aktwal na naihahatid na connectivity services.
Kabilang sa mga ipinatupad na hakbang ang mas mahigpit na pagpapatupad ng service level agreements, mas pinaigting na contract management, regular na internal audit, at masusing validation ng performance ng mga service provider.
In-upgrade rin ng DICT ang Network Monitoring System o NMS sa Version 2, na nagbibigay ng nationwide visibility sa Free Wi-Fi sites.
Nagpatupad din ang ahensya ng procurement reforms na naglalayong maging mas transparent ang gastos at mapababa ang connectivity costs.
Ayon sa DICT, anumang ulat tungkol sa hindi gumagana o inactive na sites ay agad na isinasailalim sa technical audit at maaaring patawan ng contractual sanctions.
Samantala, sinabi ng DICT na wala pa itong natatanggap na formal notice mula sa Office of the Ombudsman, ngunit bukas ito sa anumang imbestigasyon at nakahandang ibigay ang kinakailangang records at system data.
Tiniyak ng DICT na patuloy nitong palalawakin ang connectivity habang sinisiguro ang maayos, transparent at accountable na paggamit ng pondo ng gobyerno.