Hinikayat ng Social Security System (SSS) ang mga retiree at surviving spouse pensioners na mag-avail ng Pension Loan Program o PLP para makatulong sa kanilang agarang pangangailangang pinansyal.
Ayon kay SSS President Joseph DeClaro, secured cash loan ang PLP na may interest rate na 10% kada taon
Para sa kwalipikadong retiree pensioners, maaaring umutang ng hanggang sa maximum na ₱300,000 at maaaring bayaran sa loob ng anim, 12 o 24 na buwan.
Para naman sa qualified surviving spouse pensioners, maaaring umutang ng 50% ng kanilang aggregate monthly pension hanggang ₱150,000.
Kabilang sa aggregate monthly pension ang basic monthly pension at ₱1,000 additional benefit, habang hindi kasama rito ang dependent’s pension.
Tiniyak naman ng SSS na mananatili sa pensioner-borrower ang net take-home pension na hindi bababa sa 40% ng kanilang Aggregate Monthly Pension matapos ibawas ang buwanang loan amortization.
Maaaring mag-apply sa PLP sa E-Centers ng mga SSS branch o service office, sa pamamagitan ng E-Partners, o online gamit ang My.SSS account.