Nanawagan si Senadora Risa Hontiveros para sa agarang pagpasa ng Sagip Bata Act para mapalakas ang kakayahan ng mga law enforcer na labanan ang Nihilistic Violent Extremism (NVE).
Kasunod ito ng insidente ng pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato, na ikatlong school shooting sa bansa mula June.
Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ang mga imbestigador ng mas malinaw na proseso para humingi ng subscriber at traffic data sa mga kaso ng NVE, gayundin ng mas malawak na kakayahan sa intelligence gathering at online operations.
Magkakaroon din ng age-assurance at age-verification requirements para sa online platforms at kailangang magtalaga ang mga ito ng legal representative sa Pilipinas na maaaring tumanggap ng subpoena, takedown at blocking orders, at requests para sa account information.
Ayon kay Hontiveros, hindi na dapat maantala ang pagpasa ng panukala na layong palakasin ang Anti-Online Sexual Abuse and Exploitation of Children Act at protektahan ang mga kabataan laban sa online violence. | ulat ni Nimfa Asuncion