Aalalayan at hindi pababayaan ng pamahalaan ang mga residenteng maaapektuhan ng itatayong Pax Silica AI hub sa New Clark City sa Capas, Tarlac.
Nilinaw ni Bases Conversion and Development Authority (BCDA) President and CEO Joshua Bingcang na walang madi-displace na mga residente sa Tarlac sa planong 1,620 hectare Pax Silica AI hub.
Ang magiging senaryo umano rito ay ililipat lamang ang mga nakatira sa 40 istruktura o tinatayang 200 residente na nasa 10 ektaryang lupang pagtatayuan ng AI hub kung saan sa loob lang din ng isang barangay ililipat ang mga ito.
Pagtitiyak pa ng BCDA, na karampatang benepisyo at tulong ang iaaabot ng pamahalaan para sa mga 3rd party claimants na karamihan ay miyembro ng Indigenous People o IP.
Wala ring katotohanan ayon sa BCDA ang mga kumakalat na balita na 20,000 aetas sa New Clark City ang maaapektuhan at mawawalan ng tirahan.