Nagpadala ng subpoena ang National Bureau of Investigation (NBI) noong Lunes (September 21) kay DPWH Davao Regional Director Juby Cordon at sa mga opisyal ng tatlong construction company.
Bahagi ito ng imbestigasyon ng NBI sa umano’y mga iregularidad sa mga flood control project sa Davao City, kabilang ang mga proyekto sa distrito ni Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte.
Sa 100 flood control projects na sinuri ng NBI, 47 ang nakitaan ng mga “red flag” o posibleng problema.
Ayon sa NBI, nasa ₱1.9 bilyon ang kabuuang halaga ng 47 proyekto at sinasabing napunta ang mga ito sa isang contractor.
Nakakita rin umano ang NBI ng mga dokumentong maaaring magpakita ng iregularidad, kabilang ang mga “ghost project” o proyektong maaaring hindi naman talaga isinagawa, at mga proyektong hindi maayos ang pagkakagawa.
Sinabi ng NBI na plano rin nitong padalhan ng subpoena ang 51 indibidwal na konektado sa tatlong construction company, kabilang ang Genesis88 Construction.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng NBI at wala pang pinal na desisyon tungkol sa mga alegasyon.