Umabot na sa siyam na hotel sa Pilipinas ang kinilala ng MICHELIN Guide sa kanilang 2026 hotel selection.
Dalawang hotel ang unang nakatanggap ng Two MICHELIN Keys sa Pilipinas. Ito ay ang El Nido Resorts Lagen Island sa Palawan at Raffles Makati. Ang Two MICHELIN Keys ay ibinibigay sa mga hotel na nag-aalok ng pambihira at hindi malilimutang karanasan sa mga bisita.
Samantala, apat na hotel ang unang nakatanggap ng One MICHELIN Key. Kabilang dito ang:
• NUSTAR Hotel Cebu sa Cebu City
• El Nido Resorts Pangulasian Island sa Palawan
• Hotel Okura Manila sa Pasay City
• Manami Resort sa Sipalay City, Negros Occidental
Napanatili naman ng tatlong hotel ang kanilang One MICHELIN Key kabilang ang:
• Nay Palad Hideaway sa Siargao
• Fairmont Makati at;
• Amanpulo sa Palawan
Sinusuri ng MICHELIN Guide ang mga hotel batay sa kanilang disenyo, kalidad ng serbisyo, karakter, halaga para sa presyo, at kontribusyon sa lugar kung saan sila matatagpuan.
Ayon kay Tourism Secretary Dita Angara-Mathay na makatutulong ang mga pagkilalang ito upang mas makilala ang Pilipinas bilang destinasyon na may de-kalidad na mga hotel at resort, kasama ang kilalang mainit na pagtanggap ng mga Pilipino sa mga turista.
Sa kabuuan, mayroon nang siyam na MICHELIN-Key hotels ang Pilipinas para sa 2026.
Dagdag pa ni Mathay na ipinapakita ng pagkilalang ito ang patuloy na pag-unlad ng industriya ng turismo at hospitality sa Pilipinas.