Sa day 28 ng impeachment trial ni vice president sara duterte, lumabas na walang impormasyon ang Securities and Exchange Commission (SEC) na nagdeklara ng dividends ang mga korporasyong may kaugnayan sa bise presidente at asawa nitong si Atty. Manases Carpio.
Sa pagtatanong ni Senate President Sherwin Gatchalian kay SEC Company Registration and Monitoring Department Director Gerardo del Rosario, sinabi nitong walang record na nakatanggap ng dividends si VP Sara mula sa mga naturang kumpanya.
Ayon kay Gatchalian, maaari itong magbigay-daan para maalis sa listahan ng posibleng pinagmulan ng paglaki ng net worth ng Bise Presidente ang mga korporasyon, bagama’t maaari pa ring magmula sa ibang sources ang kanyang kita.
Lumabas din na maliban sa GenCorp, Davao Emerging Taipans, SGT Fortune Horse at Mati Ice Plant, karamihan sa mga kumpanyang sinuri ay nalulugi.
Sinabi ni Del Rosario na ang mga korporasyong may deficit o negative retained earnings ay hindi maaaring magdeklara ng dividends.
Samantala, kinuwestiyon din ni Gatchalian ang mga kumpanyang hindi naghain ng General Information Sheet (GIS) at audited financial statements.
Ayon kay Del Rosario, pinadadalhan ng SEC ng notice to submit ang mga kumpanyang hindi nakapaghahain ng kinakailangang reports at maaari ring bawiin ang kanilang certificate of registration kapag patuloy na hindi sumusunod.
Kabilang sa mga kumpanyang nabanggit ang CYKNT Davao Corporation na na-revoke ang registration noong 2018 dahil sa hindi pagsusumite ng reports.
Samantala, nag-shortened corporate term naman ang SGT Fortune Horse Corporation at Three Kids Trucking Services Incorporated, na kapwa natapos ang corporate existence noong 2017.
Sa huli, kinumpirma ni Del Rosario na ang mga naturang korporasyon ay hindi maaaring maging source of income para sa paglaki ng net worth ni Vice President Sara Duterte, batay sa mga impormasyong iniharap sa pagdinig.