Nakarating na sa plenaryo ng senado ang panukalang alisin ang system loss bilang pass-through charge sa mga consumer, ito ay sa ilalim ng Senate Bill 2486 o ang panukalang Systems Loss Charge Removal Act.
Sa sponsorship speech ni Senate Committee on Energy Chairman Senador Erwin Tulfo, sinabi nitong hindi dapat pasanin ng mga consumer ang gastos sa kuryenteng hindi naman nila nagamit, lalo na kung ang pagkawala nito ay dulot ng pagnanakaw ng kuryente, illegal connections, sirang metro, poor maintenance at inefficiency ng mga distribution utility.
Ayon kay Senator Erwin, may mga system loss na teknikal at hindi maiiwasan dahil natural na nawawala ang bahagi ng kuryente habang dumadaan sa mga linya, transformer at iba pang pasilidad.
Gayunman, sinabi niyang maaaring mabawasan ang non-technical system loss at dapat itong sagutin ng mismong utility.
Sa ilalim ng panukala, ang ERC ang tutukoy kung alin sa mga gastos ang prudent, reasonable at kailangan para sa isang mahusay na operasyon ng distribution system.
Hindi rin maaaring ipasa ng distribution utilities at electric cooperatives ang naturang gastos sa consumer sa pamamagitan ng iba pang singil gaya ng distribution wheeling, supply, metering at universal charges, subsidies, o iba pang item sa electric bill.
Ayon kay Tulfo, layunin nitong bigyan ng insentibo ang mga utility na pigilan ang pagnanakaw ng kuryente, ayusin ang mga metro, palitan ang lumang kagamitan at pagbutihin ang serbisyo. Sa ilalim ng panukala, may hanggang tatlong taon na transition period para maprotektahan ang consumers habang pinananatili ang reliability at viability ng mga distribution utility.