Naisilbi na ng Senate Impeachment Court ang subpoena para kay Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte, kapatid ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Senate Sergeant-at-Arms retired General Alfred Corpus, ang mga tauhan ng Senate Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) ang mismong nagsilbi ng subpoena sa opisina ni Mayor Baste sa Davao City.
Matatandaang ang subpoena ay batay sa request ng prosecution na dumalo si Mayor Baste sa impeachment trial ni VP Sara sa susunod na linggo, mula September 28 hanggang 30.
Bukod sa kanyang pagdalo bilang isa sa mga testigo ng prosecution sa pagtalakay ng Article II ng impeachment case laban kay VP Sara, pinadadala rin kay Mayor Baste ang mga dokumento ng City Hall tungkol sa milyun-milyong pisong halaga ng mga transaksyon o procurements sa GenCorp Industries Inc.
Matatandaang ang GenCorp ay isa sa mga business interest na idineklara ni VP Sara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Una nang pina-subpoena si Mayor Baste ngayong linggo, pero inurong ang pagdinig sa susunod na linggo dahil walang magiging trial bukas.
Bukas kasi gagawin ang oral arguments para sa usapin ng voting threshold sa impeachment trial.
Ayon kay Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero, bibigyan ng tig-15 minuto ang prosecution at defense na ipresenta ang kanilang mga argumento tungkol sa isyu.
Matapos nito ay bibigyan ang mga senator-judge ng pagkakataong magtanong.
Sa parte ng prosecution, si House Prosecutor Rep. Leila de Lima ang maglalatag ng kanilang argumento.
Ang defense team naman ni VP Sara, hindi pa pinapangalanan kung sino ang kakatawan sa kanilang argumento. Bukas na rin inaasahang magbobotohan ang mga senator-judge kung pananatilihin ang 16-vote threshold para sa conviction o kung babaguhin ito.