BABALA: SENSITIBONG BALITA
Sumuko sa mga awtoridad ang isang 18-taong-gulang na lalaki matapos makonsensya sa ginawa niyang pagpatay at pag-chop chop sa nakatatanda niyang kapatid sa Barangay Sinunuc, Zamboanga City.
Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Allen Rae Co, itinuro ng suspek kung saan niya itinago ang mga bahagi ng katawan ng kaniyang 27-taong gulang na lalaking kapatid.
Ani Co, naganap ang krimen noong Setyembre 10. Tinangka umanong itago ng suspek ang mga bahagi ng katawan sa isang maleta at icebox, ngunit makalipas ang isang araw ay hindi na niya nakayanan ang konsensya at siya na rin ang nagpatawag ng mga pulis.
Narekober naman ng Zamboanga City Police ang lagareng bakal, martilyo, at itak na ginamit sa krimen.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nagkaroon ng matinding alitan ang magkapatid dahil pabigat umano ang biktima sa kanilang pamilya at dito nag-ugat ang krimen. Sinampahan naman ng kasong murder ang suspek.