Photo courtesy of Google Earth
Nanawagan ang foreign ministers ng Group of 7 (G7) sa Iran na ihinto na nito ang pagbibigay armas at suporta sa militanteng grupong Houthis sa Yemen.
Sa isang pahayag matapos ang kanilang pulong sa sidelines ng United Nations General Assembly, ipinahayag ng Britain, Canada, France, Germany, Italy, Japan at United States ang mariin nilang pagkondena sa anila’y hindi katanggap-tanggap na pag-atake ng rebeldeng grupo sa Yemen at sa Saudi Arabia.
Panawagan pa ng G7 sa Houthis, ihinto na sa lalong madaling panahon ang lahat ng military actions, mga banta at pag-atake sa mga daanang pangsibilyan, at bumalik na sa politikal na proseso nang may buong katapatan.
Maaalalang isa ang Houthis sa mga grupong sinusuportahan ng Iran sa Gitnang Silangan bilang bahagi ng “forward defense” strategy nito at pinalawak na Axis of Resistance.
Ilang linggo lamang ang nakalilipas nang muli na namang umatake ang Houthis sa Yemen at Saudi Arabia dahilan para tuluyang masira ang apat na taong tigil-putukan doon at magbukas ng panibagong gulo sa rehiyon.